DAGUPAN CITY–Pinangangambahang mas marami pang mga gusali at mga kabahayan ang maaaring masunog dahil sa nagpapatuloy na wildfires sa California, USA.
Ayon kay Bombo International Correspondent Isidro Madamba Jr. mula sa nabanggit na estado, dahil sa lawak umano ng sunog na umabot na sa 463,000 ektarya, ay marami pa umanong maaring mapinsala rito lalo na at hindi pa tuluyang naaapula ang apoy doon.
Sa lawak umano ng sunog ay umabot na rin ito sa mga residential homes at ilang siyudad kung kaya mas marami pa itong maitdudulot na pinsala.
Nasa 20 percent pa lamang umano ang naapula ng mga bumbero sa naturang lugar.
Kaya naman marami na sa mga residente ang inilikas mula sa sunog.
Maituturing na ang nasabing wildfire ang pangalawa sa pinakamalaking sunog sa California.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa rin ng mga otoridad ang pangunahing sanhi ng sunog at mas pinapaigting pa ng mga kinauukulan sa nasabing bansa ang pagbibigay aksyon lalo na sa pagbibigay ng pangangailangan ng mga mamamayan doon.