Hiling ngayon ng isang konsehal sa syudad ng Dagupan ang mas matibay na oversight powers para sa mga lokal na sanggunian sa kabila ng mga kinahaharap na isyu sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Lungsod kabilang ang mabagal na implementasyon, kakulangan sa koordinasyon, at alegasyon ng katiwalian.

Ayon kay Atty. Joey Tamayo, konsehal ng nasabing lungsod, bagama’t malinaw sa Local Government Code na may kapangyarihan ang Sangguniang Panlungsod na magsagawa ng legislative inquiries at imbestigasyon sa mga proyektong isinasagawa sa loob ng kanilang hurisdiksiyon, may mga limitasyon ito lalo na sa kawalan ng kapangyarihang maglabas ng subpoena.

Aniya ang oversight power ng sanggunian ay likas sa tungkulin nito bilang bahagi ng lehislatura.

--Ads--

Ngunit sa kasalukuyan, wala silang sapat na kapangyarihan tulad ng subpoena power para maipatawag ang mga kinauukulan.

Dagdag pa niya, hindi ito nangangahulugang “panghihimasok” sa trabaho ng mga pambansang ahensiya, kundi isang lehitimong gampanin ng mga lokal na halal na opisyal upang tiyakin na ang mga proyektong isinasagawa sa kanilang nasasakupan ay tama, epektibo, at walang bahid ng katiwalian.

Para kay Atty. Tamayo, dapat lamang gamitin ng lokal na sanggunian ang kapangyarihan nito sa ilalim ng batas upang magsagawa ng mga pagdinig at konsultasyon kaugnay ng mga proyektong mula sa DPWH.

Ito ay upang mapanatili ang transparency, accountability, at integridad ng mga proyekto, lalo na sa mga lugar na matindi ang epekto ng mga problema tulad ng pagbaha.

Bilang tugon sa matagal nang suliranin ng pagbaha sa Dagupan, iminungkahi rin ni Atty. Tamayo na kasalukuyan nilang tinitingnan ang modelo ng Ilocos Sur, kung saan may uniform at sturdy na master plan para sa flood control na pinagtibay ng local at national government.