Nakatanggap na ang kalahati mula sa 11,000 na kabuaang bilang ng mga manggagawa sa rehiyon uno para sa programang Bente Bigas Meron na ng administrasyon.
Ayon kay Exequiel Ronnie Guzman Regional Director, Department of Labor and Employment Region I ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) – Pangasinan Chapter ay magiging katuwang sa pagpapatupad ng nasabing programa, na layuning bigyan ng oportunidad ang mga manggagawa na makabili ng abot-kayang bigas.
Sa ilalim ng programa, bawat manggagawa ay makatatanggap ng 10 kilong bigas bilang panimulang ayuda.
Ang inisyatibo ay una ng natanggap ng mga manggagawa mula sa La Union at sunod naman sa iba pang mga lalawigan sa rehiyon.
Patuloy naman ang paglikom at pagsusumite ng mga pangalan ng mga manggagawang nais makinabang sa programa.
Tinututukan din ang tuloy-tuloy na pag-order at distribusyon ng bigas sa mga lugar na nangangailangan.
Bukod sa ayuda sa bigas, may nakahanay ding mga programa mula sa DOLE gaya ng JobStart Philippines Program, na naglalayong tulungan ang mga naghahanap ng trabaho, kwalipikado, at gustong lumahok sa training at job matching.
Sa ilalim ng JobStart, sasailalim muna ang mga benepisyaryo sa life skills training na magsisilbing pundasyon upang matugunan ang kakulangan sa kaalaman at kahusayan sa trabaho. Kapag nakumpleto na ang pagsasanay, magkakaroon ng job fair kung saan mismong mga employer ang makikilala ng mga aplikante.
Ayon sa DOLE, libre ang lahat ng training at hindi kailangang gumastos ang mga kalahok. Kung sakaling may mga kakulangan pa sa kaalaman o kasanayan, may nakahandang karagdagang training programs.
Bukod pa rito, may hiwalay din na Government Internship Program (GIP) na naglalayong ihanda ang mga kabataan at bagong graduate sa mundo ng trabaho at magtayo ng sariling career.