Dagupan City – ‎Dumalo ang Bids and Awards Committee ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan sa isang digital procurement training na isinagawa mula Pebrero 18 hanggang 20, 2026 sa Clark Freeport sa Mabalacat City, Pampanga.

Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa paggamit ng mga online platform para sa mas maayos at episyenteng pagbili ng mga kagamitan at serbisyo ng gobyerno.

‎Pinangunahan ng Procurement Service-Department of Budget and Management ang aktibidad bilang bahagi ng kampanya ng Department of Budget and Management na itaguyod ang digital transformation sa proseso ng procurement.

Tinalakay sa tatlong araw na pagsasanay ang tamang pagsusumite ng 2026 Annual Procurement Plan para sa common-use supplies and equipment, gayundin ang paggamit ng Virtual Store at eMarketplace na magsisilbing opisyal na online platform ng pamahalaan sa pagbili ng mga suplay.

‎Kasama rin sa programa ang pagtalakay sa mga probisyon ng Republic Act No. 12009 o New Government Procurement Act, na naglalayong paikliin ang procurement cycle at gawing mas episyente ang pagproseso ng mga transaksiyon.

--Ads--

Ipinaliwanag din ang paggamit ng Modernized Philippine Government Electronic Procurement System o mPhilGEPS eBidding Facility, kung saan isinasagawa online ang pagsusumite at pagbubukas ng mga bid upang mapataas ang antas ng transparency at kompetisyon.

‎Tinalakay din ang mga patakaran sa user access at digital security tulad ng key pair management upang matiyak na awtorisado lamang ang maaaring makapagproseso at makakita ng sensitibong dokumento.

Ayon sa mga tagapag-organisa, inaasahang makatutulong ang ganitong mga hakbang upang mapabilis ang pagkuha ng mga kinakailangang kagamitan ng mga lokal na pamahalaan habang pinananatili ang pagsunod sa umiiral na mga regulasyon.