DAGUPAN CITY- Ipinahayag ng Samahang Magbabangus Sa Pangasinan (SAMAPA) na ramdam na ng kanilang mga miyembro ang matinding epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, kasabay ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Ayon kay Christopher “Aldo” Sibayan ang presidente ng Grupo, nahaharap sa seryosong hamon ang aquaculture, partikular sa operasyon ng mga palaisdaan, dahil sa mataas na gastusin sa krudo na kanilang pangunahing kinakailangan lalo na sa paggamit ng kanilang mga de motor na bangka.

Dagdag pa niya, hindi lamang ang mga magbabangus ang apektado kundi pati na rin ang iba pang sektor ng pangingisda na umaasa sa fuel para sa kanilang pang-araw-araw na operasyon.

--Ads--

Bukod dito, ibinahagi rin ni Sibayan ang dagdag pasanin sa kanilang sektor dulot ng pagtaas ng presyo ng mga feeds sa aquaculture.

May ilang feed brands na nagtaas ng presyo mula ₱25 hanggang ₱35 kada 25-kilong sako.

Ayon sa kaniya, malaki ang epekto nito sa mga operator, lalo na sa malakihang produksyon.

Halimbawa, kung aabot sa 100 sako ang konsumo, umaabot sa ₱3,500 ang dagdag na gastusin.

Dahil dito, nanawagan siya sa mga supplier na maging sensitibo sa kasalukuyang sitwasyon.

Inihayag din ni Sibayan na sa kabila ng mataas na gastos, sinisikap nilang mapanatili ang bilang ng mga manggagawa upang hindi maapektuhan ang kabuhayan ng pamilya ng bawat isa.

Ipinapatupad ng kanilang miyembro ang iba’t ibang cost-cutting measures, tulad ng mas maingat na iskedyul sa pagpapadala ng feeds at pagpaplano ng biyahe ng motorboats upang mabawasan ang konsumo ng diesel.

Ipinaliwanag din niya ang umiiral na patakaran ng pamahalaan kaugnay sa fuel subsidy.

Batay sa guidelines ng Department of Agriculture at ipinatutupad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, kinakailangang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture ang mga motorized bangka para maging kwalipikado sa tulong.

Kasama rito ang mga motorboat ng magbabangus at iba pang aquaculture operators basta’t lehitimong nakarehistro.

Saad pa niya na malaking epekto ang pagtaas ng presyo ng langis sa operasyon: dati, ₱2,000 ang sapat para sa 35.7 litro ng gasolina o diesel, ngunit ngayon ay kalahati na lang ang nabibili sa parehong halaga.

Dahil dito, nababawasan ang produksyon na kayang matapos gamit ang parehong dami ng fuel, na direktang nakakaapekto sa kita at operasyon ng mga miyembro.

Binigyang-diin ni Sibayan na ang suliraning ito ay hindi lamang problema ng aquaculture kundi pati ng buong sektor ng agrikultura, at umaasa sila sa tulong ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel sa kabuhayan ng mga mangingisda.