Tinutukoy na dahilan ng aksidenteng ikinasugat ng dalawang motorista kamakailan sa kahabaan ng national highway sa Brgy. San Aurelio 1st, Balungao ang maling pag-overtake ng isang motorsiklo

Batay sa paunang imbestigasyon ng Balungao Municipal Police Station, kapwa patungong westbound ang dalawang motorsiklo nang subukang mag-overtake sa kanang bahagi ng kalsada ang ikalawang sasakyan.

Ayon sa ulat, sa kasagsagan ng overtaking ay bumangga ang ikalawang motorsiklo sa hulihang bahagi ng naunang motorsiklo, na naging sanhi upang mawalan ng balanse at tumumba ang parehong sasakyan.

--Ads--

Dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang motorista.

Nilinaw ng pulisya na hindi lasing ang mga sangkot na driver at walang indikasyon na may kinalaman ang pag-inom ng alak sa naganap na aksidente.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Balungao MPS at isinugod ang mga biktima sa pinakamalapit na ospital upang mabigyan ng agarang lunas.

Nagkaroon din ng pinsala ang dalawang motorsiklo na dinala sa Balungao MPS para sa tamang disposisyon, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya.