Tinututukan ngayon ng administrasyon ni Governor Ramon Guico IIl ang malawakang redevelopment ng Pangasinan Provincial Capitol, isang proyektong hindi lamang nakatuon sa pagpapaganda ng gusali kundi sa mas malalim na layunin na magtayo ng matibay na pundasyon para sa kinabukasan ng probinsya.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang Capitol ay hindi lamang isang gusaling pampamahalaan kundi simbolo ng kasaysayan at aspirasyon ng mga Pangasinense.

Sa pamamagitan ng modernisasyon ng mga pasilidad kasabay ng pagpapanatili ng arkitekturang pamana, layon ng proyekto na gawing mas epektibo, makabago at kapaki-pakinabang ang sentro ng pamahalaan.

--Ads--

Kasama sa benepisyong hatid ng bagong disenyo ang mas mabilis na serbisyo publiko, mas maayos na daloy ng trapiko, at mas ligtas na kapaligiran lalo na tuwing may malalakas na bagyo at pagbaha. Pinalalakas din nito ang potensyal ng probinsya bilang sentro ng turismo, kultura at pamumuhunan.

Gayunman, umani ng diskusyon ang proyekto dahil sa pagputol ng ilang puno sa paligid ng Capitol grounds.

Nilinaw ng pamahalaan na bago isagawa ito, kumuha muna sila ng pahintulot mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Dagdag pa rito, karamihan sa mga tinanggal na puno ay mga lumang, mahina, o invasive species na nagdudulot ng banta sa kaligtasan at sa kapaligiran.

Bilang kapalit, inilunsad ng gobernador ang Green Canopy Program sa Pangasinan Eco Park, kung saan higit 500,000 puno ang naitanim, kabilang ang mga fruit-bearing trees.

Binigyang-diin ng pamahalaang panlalawigan na ang redevelopment ay hindi simpleng pagputol ng puno, kundi isang hakbang upang pagsamahin ang heritage, modernisasyon, at kalikasan sa isang mas maunlad at mas ligtas na Capitol complex.