Dagupan City – Nagsagawa ng malawakang first aid at public assistance operations ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa bayan ng Calasiao sa buong panahon ng Semana Santa kaugnay ng SumVac 2026, bilang bahagi ng paghahanda at pagtitiyak sa kaligtasan ng mga deboto at turista.

Ipinakalat ang mga tauhan ng MDDRMC sa paligid ng Señor Divino Tesoro Shrine at Sts. Peter and Paul Parish Church, na kilala bilang mga pangunahing dinarayo ng mga mananampalataya tuwing Mahal na Araw.

Nagbigay naman ang mga responder ng agarang lunas sa mga nangangailangan ng medikal na atensyon, habang nakaantabay rin ang mga team para sa iba pang uri ng tulong publiko gaya ng pagbibigay-direksyon, crowd control, at pagtugon sa mga emerhensiya.

--Ads--

Kasabay nito, nagsagawa rin ang DRRM ng pamamahagi ng information, education, and communication (IEC) leaflets na naglalaman ng mahahalagang paalala para sa mga peregrino at nagsisimba.

Kabilang sa mga ito ang pag-iingat sa matinding init ng panahon, pagpapanatili ng kalinisan, at pagsunod sa mga ipinatutupad na patakaran upang maiwasan ang aksidente at iba pang insidente.

Layunin ng nasabing inisyatiba na mapanatili ang isang maayos, mapayapa, at ligtas na paggunita ng Semana Santa at SumVac 2026 sa Calasiao, lalo na sa inaasahang pagdagsa ng mga deboto mula sa iba’t ibang lugar.