Walang inaasahang malalaking anunsyo o bagong hakbang para sa sektor ng paggawa sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers (FFW), mas nakatuon umano ang administrasyon sa mga usaping pampulitika habang nahaharap din ang Pangulo sa matinding impluwensya ng kanyang mga economic manager, partikular sa usapin ng ipinanalong wage increase sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni Cainglet na mula nang maupo sa puwesto si Pangulong Marcos noong 2022, hindi umano nabibigyang-pansin sa kanyang mga naging SONA ang mga isyung may direktang kaugnayan sa kapakanan ng mga manggagawa.
Iginiit din niya na ang panawagang magkaroon ng legislated wage increase ay patuloy na naipapasa sa mga regional wage board sa halip na agarang maisabatas sa Kongreso.
Dagdag pa niya, maging ang wage increase na naaprubahan noong nakaraang taon at inaasahang maipatutupad ay hindi pa rin naisasakatuparan, at ayon sa kanya ay may mga hakbang pang isinasagawa upang mapigilan ang implementasyon nito.
Binigyang-diin ng FFW na umaasa pa rin ang sektor ng paggawa na mabibigyan ng higit na atensyon ng pamahalaan ang usapin ng sahod at iba pang benepisyo ng mga manggagawa sa mga susunod na hakbang ng administrasyon.
Samantala, may nakatakdang aktibidad ang ilang grupo kabilang ang Federation of Free Workers (FFW) umaga sa Lunes upang iparating ang hinaing ng mga mangagagawa sa gobyerno.










