DAGUPAN CITY- Ramdam na agad sa sektor ng agrikultura ang epekto ng kamakailang ipinatupad na malaking oil price hike sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jayson Cainglet, executive director ng Samahang Industriya ng Agrikultura, umaabot na sa hindi bababa sa P300-P500 kada araw na gastos ang ikinalulugi ng mga magsasaka at mangingisda dahil sa itinaas ng krudo at diesel.

Aniya, malaki ang agwat nito sa dating naglalaro lamang sa 20%-30% na nagagamit ng mga magsasaka sa kanilang produksyon, habang ang maliliit na mangingisda ay nasa 30%-50% naman.

--Ads--

Kung lilipat naman sila sa organic na pamamaraan ay hindi rin malaki ang kanilang aanihin at mahuhuling isda.

Gayunpaman,sa bahagi ng mga magsasaka ay panibagong bigat ito sa matagal na nilang iniindang pagkalugi mula sa bagsak presyo ng farm gate.

At kung hindi ito naresolba sa madaling panahon ay mauuna pang tumigil ang mga magsasaka at mangingisda at labis na makakaapekto ito sa suplay ng pagkain sa bansa.

Ani Cainglet, short term solution ang pagbibigay ng ayuda subalit, mahalaga na ito habang hindi pa nasosolusyonan ang pagtaas ng petrolyo.

Kung ipapatupad naman ang suspensyon ng excise tax ay dapat matiyak na pantay-pantay ito ng maaapektuhan.