Dagupan City – Sa gitna ng umiinit na usapin hinggil sa 2028 presidential elections, iginiit ng isang geopolitical observant na bagama’t malakas ang hatak ni Vice President Sara Duterte, hindi ito nangangahulugang hindi na siya matatalo sa darating na halalan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Denmark Suede, hindi na umano nakakagulat ang maagang pagdeklara ng pagtakbo ni Duterte sa 2028, bagaman napaaga lamang ito sa pananaw ng ilan.

Matatandaan aniya na noong mga nakaraang taon ay lumakas ang diskurso hinggil sa presensiya ng mga dayuhan sa rehiyon. Dito na binanggit ni Suede ang mga ulat tungkol sa posibilidad ng pagtatayo o pagpapalawak ng pasilidad militar sa Subic Bay, isang dating base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas.

--Ads--

Sa kasalukuyan ani Suede nananatiling mainit ang usapin sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng West Philippine Sea.

Ayon kay Suede, matagal nang nakapuwesto ang mga missile system ng China sa mga artipisyal na isla nito sa South China Sea—isang bagay na kinumpirma rin ng ilang international defense reports sa mga nakalipas na taon.

Dahil dito, naniniwala siyang maaaring magkaroon ng impluwensiyang dayuhan sa darating na eleksyon.

Ipinahayag din ni Suede ang pangamba na maaaring magbuhos ng pondo ang China upang suportahan ang kandidatong mas pabor sa kanilang interes.

Kung kaya’t nanawagan si Suede na mahalagang maging mapanuri ang mga botante sa 2028 dahil ito ay posibleng laban din sa ugnayan at impluwensya sa ibang bansa.