DAGUPAN CITY- Ikinatuwa ng transport sector ang inaasahang malaking rollback sa linggong ito, batay sa inilabas na anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Bernard Tuliao, Presidente ng Autopro Pangasinan, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kaniya, isang ginhawa ito para sa kanilang hanay dahil umaabot na ito sa hindi bababa sa P150 na discount sa pagpapagasolina para sa maghapon na pamamasada.

Kung matatandaan, sa inilabas na anunsyo ni Pangulong Marcos, mahigit P20.00 ang ibababa sa kada litro ng diesel, P4.43 naman ang mababawas sa kada litro ng gasolina, habang P8.50 ang mababawas sa kada litro ng kerosene.

--Ads--

Aniya, baka sakali rin na manumbalik ang mga tsuper na piniling huminto na muna sa pagbyahe.

Bukod pa riyan, hiling ng National Transport Coalition, na kanila rin kinabibilangan, ang P55 price cap sa produktong petrolyo habang ang mga ayuda ay direktang ibibigay na lamang sa mga gasoline stations.

Sinabi ni Tuliao na mas malawak ang maihahatid na tulong nito kumpara sa service contracting program na inaasahang sa National Capital Region (NCR) pa lamang muna ipapatupad.

Nabanggit pa ni Tulaio na patuloy ang kanilang paghihintay sa ipinangakong ilalabas na ayuda para sa kanilang sektor, partikular na sa mga tsuper na hiningan ng digital banking details.

Bagaman may data base ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) subalit may pagkakataon na nagbabago ang operator ng jeep dahilan para bumagal ang proseso.