Mahigit 90 milyong Pilipino na ang matagumpay na narehistro sa National ID System ng pamahalaan.

Ayon kay Christopher Florez, Registration Officer III ng PSA Region 1, ang nasabing bilang ay nabigyan na ng PhilSys Number at may kani-kaniyang unique identity.

Sa kasalukuyan, inihahanda na ang kanilang mga ID card para sa distribusyon.

--Ads--

Nilinaw naman ni Florez na pareho lamang ang bisa ng National ID—nakaprint man ito, nasa card, o nasa digital format—at maaari itong tanggapin ng mga establisyemento para sa anumang transaksiyon.

Ayon sa batas, maaari lamang tanggihan ang isang National ID kung ito ay napatunayang peke.

Sa ngayon, mayroon nang humigit-kumulang 48 milyong National ID sa paper format, mahigit 55 milyong ID card ang naideliber, at mahigit 89 milyong Pilipino ang may access o maaaring mag-download ng kanilang digital National ID.

Maaari rin umanong mag-request ng National ID sa paper format at ipalaminate ito, na maaari ring gamitin sa alinmang transaksiyon.

Nanawagan si Florez sa mga hindi pa nakakapagparehistro na magtungo sa kanilang pinakamalapit na registration centers.

Mayroon din aniyang mobile registration units na umiikot sa mga barangay upang mas mapalapit ang serbisyo sa publiko.