DAGUPAN CITY- Isang matinding drone attack ang isinagawa umano ng Ukraine sa mga base militar ng Russia, kung saan higit 40 Russian warplanes ang diumano’y tinamaan at sinunog, ayon sa mga opisyal ng Ukrainian security service (SBU).
Sa isang pahayag, sinabi ng mga opisyal ng SBU na isinasagawa nila ang isang malawakang espesyal na operasyon na layuning wasakin ang mga bomber aircraft ng kalaban.
Makikita sa mga lumalabas na video ang mga eroplano ng Russia sa runway na tinatamaan ng mga drone at sumasabog sa apoy.
Isa sa mga lugar na tinarget ay ang Belaya airbase sa Irkutsk, Siberia, kung saan libu-libong milya ang layo mula sa Ukraine na makikita rin sa lumabas na dramatic footage.
Hindi pa nagbibigay ng opisyal na komento ang Russia tungkol sa insidente.
Samantala, nag-ulat din ang Ukraine ng malawakang drone attack na isinagawa sa sarili nitong teritoryo, habang nagpapatuloy ang tensyon sa digmaan.
Ang insidenteng ito ay nangyayari kasabay ng paghahanda ng mga negosyador mula sa Russia at Ukraine para sa ikalawang round ng peace talks sa Istanbul, Turkey.