Dagupan City – Nakapagdeploy na ng mahigit 3,000 tauhan at augmentation forces ang Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), sa pamumuno ni Police Colonel Ferdinand D. Germino sa buong lalawigan para masiguro ang seguridad at mapanatili ang kaayusan ng publiko sa nalalapit na halalan.
Kabilang sa mga ideneploy ang nasa mahigit 200 augmentation personnel mula sa kalapit na mga probinsya sa Region 3, RMFB 3, Regional Headquarters, at mga tauhang kasalukuyang nagsasanay.
Nagbigay din ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng halos 200 sundalo bilang karagdagang suporta.
Karamihan naman sa mga tauhan ng pulisya ay inilagay na sa mga polling precincts para sa seguridad ng mga gagamitin sa eleksyon habang ang iba dito ay nagsisilbing quick reaction teams sa mga lugar na may mataas na posibilidad ng kaguluhan, o kaya’y sumusuporta sa mga operasyon at administratibong gawain para mapanatili ang pagsugpo sa krimen.
Matatandaan na mayroong naideklara sa lalawigan bilang mga lugar na nasa areas of concern kung saan 1 ang nasa Orange Category at 7 Yellow Category kaya kailangan nilang higpitan ang mga lugar na ito upang hindi magkaroon ng mga pangyayaring hindi inaasahan.
Layunin ng malawakang pag-deploy na ito na matiyak ang isang mapayapa at maayos na halalan sa lalawigan ng Nueva Ecija.