Dagupan City – Naaresto ang isang 49-anyos na lalaki, na walang trabaho sa isang buy-bust operation sa San Quintin kung saan nakumpiska sa kanya ang 2.14 gramo ng hinihinalang shabu.
Sa operasyon na pinagsanib pwersa ng San Quintin Police Station at PDEA RO1, nakumpiska ang tatlong heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php14,552.00.
Bukod sa droga, nakuha rin mula sa suspek ang buy-bust money, iba’t ibang denominasyon ng pera, drug paraphernalia, cellphone, at isang motorsiklo.
Ayon sa mga awtoridad, ang inventory at pagmamarka ng mga ebidensya ay ginawa sa lugar ng operasyon sa harap ng mga kinatawan ng media, barangay officials, at ng suspek.
Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng suspek.
Bukod pa rito, iniimbestigahan din kung may iba pang sangkot sa ilegal na aktibidad ng suspek at kung ang motorsiklo ay ginagamit sa iba pang krimen.










