Dagupan City – Sa patuloy na pananalasa ng baha sa hilagang bahagi ng Luzon, umaabot na sa 168,432 ang bilang ng mga pamilyang apektado sa rehiyon.
Pinakamalaking bilang ang naitala sa Pangasinan, kung saan higit 106,000 pamilya ang naapektuhan.
Kasunod ng sunod-sunod na pag-ulan na pinalala pa ng Bagyong Paolo, isinailalim na rin sa state of calamity ang Ilocos Norte matapos bahain ang karamihan ng mga bayan sa lalawigan.
Hindi rin nakaligtas ang ilang bahagi ng Ilocos Sur at Dagupan, na ngayon ay patuloy na binabayo ng pagtaas ng tubig.
Mabilis namang nakakakilos ang mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga nangangailangan.
Sa ngayon, patuloy ang distribusyon ng tulong sa mga lugar na labis ang pinsala.
Umabot na sa 164,000 food packs ang nailabas ng Department of Social Welfare and Development Region 1 — pinakamalaking bahagi nito ay sa Pangasinan.
Ayon jay RD ng Dswd na si Gopalan, Tiniyak naman umano ng ahensya na nakaantabay na ang karagdagang tulong, lalo na sa mga lugar na lubhang nasalanta.
Mula Opong hanggang Paolo, tuluy-tuloy ang pag-abot ng ayuda sa mga pamilyang nawalan ng tirahan o kabuhayan.
Nilinaw rin ng ahensya ang mga reklamo ng ilang residente na hindi pa umano nakatatanggap ng tulong.
Ayon sa DSWD, nakabatay ang distribusyon sa mga ulat mula sa mga lokal na pamahalaan, na siyang nagsisilbing basehan ng rehiyon sa pagtukoy ng prayoridad sa tulong.
Sa kabila ng lawak ng pinsala, patuloy ang pagkilos para mapunan ang pangangailangan ng bawat apektadong pamilya.