Dagupan City – Umabot sa higit 150 indibidwal mula sa iba’t-ibang sektor ang nagtulong-tulong sa paglilinis ng Angalacan River sa bayan ng Pozorrubio bilang pagdiriwang ng World Water Day, Earth Hour, at Women’s Month.
Pinangunahan ang nasabing aktibidad ng Local Government Unit -Municipal Environment and Natural Resources Office o LGU-MENRO na ginanap sa Zone 3, Barangay Bobonan.
Kabilang sa mga nakiisa sa gawain ay mga kinatawan ng DENR-EMB I, mga barangay officials and personnel, Sangguniang Kabataan, miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), DOLE-TUPAD, KALIPI Pozorrubio, Bobonan National High School teaching personnel at SSLG, CIC, at volunteer students.
Bahagi ang paglilinis na ito sa River Environmental Improvement Program na nakapaloob sa Adopt-a-River program ng DENR-EMB-Ilocos Region at Bayan ng Pozorrubio.
Layunin ng aktibidad na mapanatili ang kalinisan at kalusugan ng Angalacan River, na isang mahalagang pinagkukunan ng buhay para sa mga residente at sa ecosystem ng lugar.
Bukod dito, nagsisilbi rin itong pagpapakita ng volunteerism at social responsibility ng mga mamamayan.
Lubos ang pasasalamat ng LGU-MENRO sa lahat ng mga nakiisa sa paglilinis kaya inaanyayahan din nila ang publiko na makilahok sa mga susunod pang aktibidad na pangkalikasan, tulad ng Kalinisan Day ng kanilang barangay, at sumunod sa mga tuntunin ukol sa solid waste management.