Nakitaan ng malaking tulong sa Barangay Bacayao Norte ang Flood Mitigation Structure Project para sa Riverbank Protection malapit sa Sinucalan River na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 1.
Ang proyekto, na nagkakahalaga ng P106,150,000, ayon sa website na sumbungan ng Pangulo.
Ayon kay dating Brgy. Captain Eugenio Balolong Sr. na sinimulan ang proyekto noong 2021 kung saan aniya umabot ito sa tatlong phase, na tinatayang may habang 3-4 kilometro.
Ayon kay Balolong, malaki ang naitulong ng dike noong nagawa ito kumpara noong naunang wala pang nagagawa na ganitong proyekto dahil hindi na matatangay sa ragasa ng tubig ang ilang kabahayan malapit dito.
Gayunpaman, may mga parte pa rin ng barangay na nakakaranas ng pagbaha, bagamat hindi na kasing lala ng dati.
Ibinahagi naman ni Kapitan Diosdado Maramba na patapos na ang proyekto nang siya ay maupo noong 2023.
Wala umanong naging koordinasyon sa kanyang opisina noon sa kanyang pag-upo tungkol sa pagtatapos ng proyekto kaya hindi nito alam ang kabuuang proyekto dito.
Kahit pa ganun ay nakita naman niyang kaunting naibsan ang tubig baha dahil dati ay umaapaw ang ilog.
Ang problema na lamang ay ang walang takip na flood gate na nagiging sanhi ng pagpasok ng tubig sa barangay kapag tumataas ang tubig sa ilog.
Ayon kay Narciso Riotita, caretaker ng dike sa sitio Baybay, bumisita ang DPWH Region 1 upang inspeksyunin ang istruktura nito para malaman kung may dapat pang ayusin o may mga sira na.
Saad naman ng residente na si Marneli Crispo, hindi pa rin maiiwasan ang pagtaas ng tubig na umaabot ng lagpas dibdib kapag umapaw ang ilog.
Aniya, ang sabayang pagre-release ng mga dam kapag tuloy-tuloy ang ulan ang nagiging problema sa pagbaha kapag umapaw ang tubig kaya ang ragasa na lamang nito ang nagsisilbing harang na tulong ng dike.