DAGUPAN CITY- Umabot na sa mahigit 100 pasyente ang kumukonsulta at sumasailalim sa gamutan para sa mental health sa lungsod ng Dagupab, base sa tala ng City Health Office.
Ayon kay Rudolph Joseph V. Guillen, Nurse Program Coordinator at Mental Health Program ng Dagupan CHO patuloy na pinalalakas ang mga programa tulad ng training of facilitators at training of trainers para sa peer support groups na tututok sa kabataan.
Layunin nitong madagdagan ang bilang ng mga indibidwal na kayang umalalay sa mga nangangailangan ng suporta sa komunidad.
Aniya nakikipagtulungan ang lungsod sa Region 1 Medical Center at sa Bonuan Rehabilitation Center upang magsagawa ng iba’t ibang programa ngayong Abril para sa mga magulang, ina, at mga kaibigan na maaaring makatulong sa paggabay sa kabataan.
Kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan sa lungsod, magsasagawa rin ng fun run bilang bahagi ng pagpapalawak ng kamalayan sa mental health, kung saan inaasahang lalahok ang mga sumailalim sa pagsasanay.
Ayon kay Guillen, patuloy ding pinaiigting ang mga serbisyo tulad ng anti-suicide at anti-bullying hotlines, pati na ang Women’s Center at Teen Center ng lungsod kung saan isinusulong din ang programang “Offline BFF” o “Be there, Feel heard, Find hope,” na umiikot sa mga paaralan upang turuan ang kabataan kung paano makatutulong sa kapwa.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan na may sapat na suporta, kabilang ang libreng gamot mula sa Department of Health, upang matulungan ang mga pasyenteng nangangailangan ng gamutan, habang hinihikayat ang publiko na huwag mag-atubiling humingi ng tulong.










