Ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) 3rd District Engineering Office sa Pangasinan ang kabuuang 102 flood control projects mula 2022 hanggang 2025.

Ayon sa Construction Section Chief na si Engr. John Liwanag, ang mga proyektong ito ay inilaan upang mapigilan ang pinsala mula sa pagbaha sa mga bayan ng Calasiao, Sta. Barbara, Malasiqui, Mapandan, Bayambang, at sa lungsod ng San Carlos.

Noong 2022, apat na flood control projects ang isinagawa, habang lumobo ito sa 47 noong 2023.

--Ads--

Bumaba sa 14 ang bilang noong 2024 ngunit muling tumaas sa 37 ngayong 2025.

Karamihan sa mga proyektong ito ay nakatuon sa mga lugar malapit sa mga ilog, upang mas epektibong makontrol ang pagbaha tuwing may malakas na pag-ulan.

Nilimitahan sa halagang ₱50 milyon bawat proyekto, ang pondo ay ipinamahagi sa mga iba’t ibang lugar upang matiyak ang mas malawak na benepisyo.

Gayunpaman, iniulat na nagkaroon ng pinsala ang slope protection project sa Brgy. Tuliao, Sta. Barbara kahit hindi pa ito tuluyang natatapos.

Dahil dito, iginiit ni Engr. Liwanag na hindi ito maaaring iwanan ng contractor at dapat tapusin nang maayos.

Ipinaliwanag rin na sakaling masira ang anumang bahagi ng proyekto matapos itong matapos, saklaw pa rin ito ng warranty period kaya obligasyon pa ng contractor na ayusin ito nang walang karagdagang gastos sa pamahalaan.

Tiniyak ng DPWH na patuloy na mino-monitor ang kalagayan ng lahat ng flood control projects sa distrito upang agad na matugunan ang anumang problema o pinsala.

Siniguro rin nila na walang ghost projects na pinondohan o isinagawa sa ilalim ng kanilang opisina.