Dagupan City – Sa ginanap na rally noong Oktubre 16 sa harap ng tanggapan ng Department of Agriculture (DA), kasabay ng pagdiriwang ng World Food Day, isa sa mga pangunahing panawagan ng Magsasaka Partylist ay ang pagtataas ng presyo ng palay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Argel Cabatbat, Chairman ng Magsasaka Partylist, sinabi nito na kahit pa kasi aprubahan ang pagtaas ng presyo ng palay, huli na ito para sa ilan dahil may mga magsasakang nauna nang umani.
Kaya naman, isa sa kanilang binigyang-diin ay ang pagtaas hindi lamang ng presyo ng palay kundi pati na rin ng gulay at prutas na kanilang itinatanim.
Pabiro niyang sinabi na mas angkop na tawaging “World Hunger Day” ang nasabing pagdiriwang dahil marami pa rin ang nagugutom, kabilang na ang mga magsasaka mismo.
Isa naman aniya sa mga dahilan kung bakit kakaunti lamang ang dumalo sa rally ay ang mga prayoridad ng mga magsasaka na hindi makapaglaan ng oras dahil sa mababang kita na kanilang kinikita.
Kabilang din sa mga panawagan ng mga magsasaka ang pag-amiyenda sa Rice Tariffication Law upang mabigyan ng solusyon ang kanilang pagkalugi.
Ngunit ayon kay Cabatbat, puno pa ang mga stock ng bigas sa warehouse ng National Food Authority (NFA) kaya nauuwi na lamang ito sa pagkabulok.
Aniya, wala silang mapuntahan at nakadepende lamang sila sa mga traders na hindi naman nalulugi, kaya lokal na mga magsasaka ang talagang naaapektuhan.
Bagama’t marami na silang narinig na pangako mula sa DA, sinabi ni Cabatbat na puro subsidiya lamang ang kanilang natatanggap, na hindi sapat bilang solusyon.
Dahil aniya, ang tunay na nais ng mga magsasaka ay patas na presyo para sa kanilang palay.
Binigyang-diin din ni Cabatbat na ang ginagawa ng National Irrigation Administration (NIA) ay pagbibigay lamang ng report tungkol sa irrigation canals para makatipid, ngunit kulang ito para matugunan ang problema ng mga magsasaka.