Inaasahan ang pagbaba ng presyo ng diesel habang bahagyang tataas naman ang presyo ng gasolina sa susunod na linggo, ayon sa ulat ng isang opisyal mula sa sektor ng langis.

Sa isang ulat nitong Biyernes, sinabi ni Jetti Petroleum President Leo Bellas na posibleng bumaba ng P0.60 hanggang P0.80 kada litro ang presyo ng diesel, habang maaaring tumaas ng hanggang P0.20 kada litro ang presyo ng gasolina.

Ang mga paggalaw ay batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) kung saan ang pangunahing batayan ng presyo ng langis sa Asya, sinabi ni Bellas na lumambot ang presyo ng diesel kumpara sa nakaraang linggo.

--Ads--

Bagamat bumaba rin ang presyo ng gasolina, ipinaliwanag niyang naging limitado ang suplay ng gasolina sa rehiyon, kasabay ng matatag na demand mula sa Indonesia at ang pagkakataong punan ang kakulangan ng suplay sa Middle East, Africa, at Europe dahil sa isinasagawang maintenance ng ilang refinery.

Dagdag pa ni Bellas, maaaring lumala pa ang pagbabago sa presyo ngayong linggo kung tuluyang titigil ang India sa pag-aangkat ng langis mula Russia — isang hakbang na maaaring magpataas sa demand mula sa ibang pinagkukunan ng suplay.