DAGUPAN CITY- Nagbalik-eskwela na ang mga mag-aaral matapos ang holiday break, kung saan maayos na nagsimula ang unang araw ng klase at mataas ang attendance ng mga mag-aaral sa iba’t ibang antas sa Calasiao Central School.

Ayon kay Dr. Maria Fe Dela Cruz, Principal II ng nasabing paaralan, karamihan sa mga mag-aaral ay agad nang pumasok sa klase at iilan lamang ang hindi pa ganap na makaget-over sa bakasyon, dahilan upang magkaroon ng kakaunting pagliban noong unang araw.

Bahagi aniya ng nakasanayang gawain ng paaralan ang pagbati sa mga mag-aaral tuwing pagbabalik-eskwela, na isinasagawa sa flag ceremony at sa unang oras ng klase upang agad na maihanda ang mga bata sa pag-aaral.

--Ads--

Dagdag pa ni Dela Cruz, sanay na umano ang mga mag-aaral sa ganitong sistema kaya’t mabilis silang nakabalik sa kanilang normal na ritmo sa pagkatuto.

Samantala, may mga mag-aaral na sabik agad sa mga aralin at hindi rin maiiwasan na ang iba naman ay mas nangangailangan ng kaunting oras upang makapagbahagi pa ng kanilang karanasan sa bakasyon.

Maging ang mga magulang, kabilang ang sa kindergarten, primarya at intermediate levels, ay nagpakita ng positibong reaksyon sa pagbabalik ng klase.

Sa pakikipag-usap ng punong guro sakanila, marami umano ang naniniwalang mas mainam para sa mga bata ang muling pagpasok sa paaralan matapos ang mahabang bakasyon.