Dagupan City – Bumigay ang bahagi ng lumang dike sa mga Barangay San Vicente at Banaoang sa Calasiao, Pangasinan kaninang madaling-araw, na nagdulot ng mabilis na pagtaas ng tubig baha sa lugar.
Ayon kay Zaldy Malit, LDRRMO IV ng MDRRMO Calasiao, tinatayang nasa dalawa hanggang tatlong span ng dike ang nabuwal, dahilan upang rumagasa ang tubig at bahain ang mga kalapit na barangay.
Aniya, malakas ang ragasa ng tubig kahit ilang bahagi lang ng dike ang bumigay kung kaya’t lalong lumala ang baha dahil kilala rin ang bayan bilang catch basin.
Sa kasalukuyan, nasa 21 barangay na ang apektado ng pagbaha, na nakaapekto sa higit 17,200 pamilya o tinatayang 66,400 indibidwal.
Dahil dito, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng MDRRMO sa mga barangay councils para sa monitoring at posibleng evacuation kung kinakailangan.
Nananatili rin sa Red Alert Status ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) habang inaabangan pa ang posibleng epekto ng Bagyong Opong sa lalawigan.
Patuloy ang panawagan ng lokal na pamahalaan sa mga residente na manatiling alerto at sumunod sa abiso ng mga otoridad.