Muling nagbabala ang Land Transportation Office Region 1 sa mga kolorum na bus at iba pang mga public utility vehicles na mananamantala at pipiliting bumiyahe ngayong nalalapit na paggunita ng Semana Santa.
Ayon kay LTO Region I Asst. Regional Director-Kathleen Salayog, non-stop o hindi tumitigil sa kolorum operation ang kanilang hanay kaya’t nasisiguro nito na magdadalawang isip ang mga nagbabalak ilabas ang mga kolorum na sasakyan na pumasada sa Semana Santa dahil na rin sa malaking halaga ng penalty o multa.
Ayon kay Salayog, maglalagay sila ng help desk sa mga covergence areas lalo sa mga bus terminals para sa kanilang gagawing inspeksyon sa pampasaherong bus na babyahe sa iba’t-ibang probinsiya dito sa rehiyon.
Magsisimula ngayong araw ang inspeksyon kung saan susuriin nila kung ligtas para bumiyahe ang mga bus at kung may sapat at legal itong mga dokumento lalo na’t inaasahan nila ang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa.