BOMBO DAGUPAN — Inihayag ni NACTODAP National President Ariel Lim na “dapat noon pa” iginiit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na wala ng karagdagang palugit sa PUV Modernization Program ng pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, idiniin nito na lalong hindi maiimplementa ang nasabing programa kung magbibigay nang magbibigay ang gobyerno ng palugit para sa mga hindi nakasunod dito.

Aniya na naniniwala rin ito na kinakailangan nang huliin ang mga kolorum na jeepney upang makita kung totoo nga ang problema na sinasabi ng mga hindi nagpa-consolidate.

--Ads--

Saad nito na bagamat marami naman ang mga nagpa-consolidate ay nananatiling hindi pa rin dumarating ang mga moden units na sana ay nagagamit na ngayon ng mga drayber, kaya naman ay marami pa ring traditional jeepneys ang tumatakbo sa mga kakalsadahan.

Samantala, sinabi naman nito na ang hinihingi ng mga drayber na provisional authority ay hindi nalalayo sa hinihiling nilang pagapalawig pa ng modernization program at sa oras na pahintulutan ito ng LTFRB ay mananatiling hindi pa handa ang pamahalaan na ipagpatuloy at pormal na simulan ang nasabing programa.

Sinabi naman nito na bagamat karapatan ng ilang transport group na magsagawa ng malayang pagkilos hinggil dito, ito ay sa pamamaraang hindi dapat sila nakaabala sa mga mananakay at sa publiko.

Kaugnay nito ay naniniwala naman ito na wala pang pondo at hindi pa handa ang pamahalaan sa paglalabas ng pondo para tuluyan nang lumarga ang PUV Modernization Program ng pamahalaan dahil sa pagpipilit ng gobyerno na masimulan ito.