DAGUPAN CITY — Patay ang isang 62 anyos na lalaki matapos makuryente habang nagpuputol ng kahoy sa isang puno sa bayan ng Lingayen.

Ayon kay PLtCol. Jose L. Abaya II,  Chief of Police ng Lingayen PNP, nangyari ang insidente sa Barangay Malimpuec sa naturang bayan kung saan kinuha ang serbisyo ng biktima na isang magsasaka at residente rin ng naturang bayan, upang pumutol ng kahoy.

Aniya nang umakyat ng puno ang biktima ay aksidente nitong naapakan ang isang sanga na nabali at tumama sa isang live wire na naging dahilan ng kaniyang pagkakuryente.

--Ads--

Nakita agad ng mga kasamahan ng biktima na nahulog ito kayat nadala pa sa hospital ngunit idineklara na rin ng mga doktor na dead on arrival.

Ayon pa sa opisyal may mga ganitong klase na rin ng insidente sa naturang bayan kayat pinapaalalahanan nito ang mga residente na palagiang siguraduhing ligtas ang sarili upang maiwasan ang  kahalintulad na insedente. (with reports from Bombo Adrianne Suarez)