Tuluyan nang inilabas ng Department of Energy (DOE) ngayong Miyerkules ang mga bagong panuntunan upang sawatain ang hoarding ng mga produktong petrolyo sa gitna ng umiiral na State of National Energy Emergency (SNEE) sa bansa.
Ayon sa DOE, layunin ng direktiba na maiwasan ang artificial shortages at mapanatiling sapat ang suplay ng langis para sa mga Pilipino.
Kabilang sa mga mahigpit na hakbang ng ahensya ay ang pagpapataw ng pansamantalang limitasyon sa pagbili ng petrolyo kung kinakailangan, at ang mas mahigpit na regulasyon sa mga container-based transactions.
Paiigtingin din ang pagbabantay sa imbentaryo at distribusyon ng langis gamit ang Emergency Petroleum Monitoring System (EPMS).
Kasabay nito, malinaw nang tinukoy ang mga proseso sa pagpapatupad ng batas, kabilang ang mabilisang paglalabas ng show cause orders laban sa mga pasaway na negosyante.
Upang mapalakas ang kampanya, muling binuhay ng DOE ang joint task force nito kasama ang Department of Justice (DOJ) para agad na aksyunan at sampahan ng kasong administratibo at kriminal ang mga mapapatunayang nag-iimbak ng suplay.
Nakikipag-ugnayan na rin ang kagawaran sa Department of Trade and Industry (DTI), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Fire Protection (BFP), at mga lokal na pamahalaan para sa mas malawak na monitoring.
Iginiit ni Energy Secretary Sharon Garin na ang hakbang ay upang maprotektahan ang mga konsyumer mula sa epekto ng patuloy na “volatility” sa pandaigdigang merkado ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.










