Dagupan City – Ipinahayag ni Marge Navata, Spokesperson ng Pamana Dagupan City, na magandang balita ang hatid nila sa publiko matapos tiyaking ligtas at tuloy-tuloy ang operasyon ng mga pumping station sa lungsod sa kabila ng naranasang pagbaha at bagyo.
Ayon kay Navata, wala umanong naantalang operasyon dahil gumana nang maayos ang lahat ng pumping station.
Bukod dito, mayroon na rin umanong mga laboratoryong nagsasagawa ng regular na water testing upang matiyak na ligtas ang tubig bago ito mailabas mula sa mga pumping station, sa tulong ng built-in chlorine system.
Inamin ni Navata na may ilang pagkakataong may natutuklasang bacteria sa suplay ng tubig, ngunit agad naman silang nagsasagawa ng flushing at repair upang malinis ito at mapanumbalik ang kalidad ng tubig.
Dagdag pa niya, inaasahang aabot na sa 25 ang kabuuang bilang ng pumping stations sa Dagupan, at may mga pumping points na ring naitatag upang masukat ang bisa ng chlorine sa pamamagitan ng random sampling sa ilang mga kabahayan.
Samantala, tiniyak din ni Navata na agad silang nagbibigay ng abiso o water interruption notice sa publiko kung kinakailangang ikonekta ang mga bagong tubo o magsagawa ng mga replacements, upang mapaghandaan ng mga konsumer ang pansamantalang pagkaantala sa suplay ng tubig.