Dagupan City – Isa sa pinakamalaking nurse strike sa kasaysayan ng New York, tatlong araw nang nagpapatuloy.

Tinatayang 15,000 nurses mula sa iba’t ibang pribadong ospital ang lumabas sa mga lansangan ng New York upang ipanawagan ang kanilang mga hinaing—kabilang na rito ang hindi bababa sa isang libong Pilipinong nurse.

Ayon kay Isidro Madamba, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos, pangunahing isinusulong ng mga nagpoprotesta ang pagdaragdag ng healthcare workforce sa mga pribadong ospital, umento sa sahod, mas maayos na benepisyo, at dagdag na proteksyon para sa mga healthcare workers.

--Ads--

Inaasahang magkakaroon sana ng dayalogo sa pagitan ng mga nurse at pamunuan ng mga ospital. Gayunman, hindi umano dumalo ang panig ng management, dahilan upang mabigo ang pag-uusap.

Giit naman ng mga ospital, hindi raw naiparating nang maayos ng mga nurse ang kanilang mga hinaing sa pamunuan ng mga ospital upang agad na matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Sa ngayon, wala pang malinaw na pahayag kung hanggang kailan magpapatuloy ang protesta.

Habang nagpapatuloy naman ang tensyon, ang mga pasyente ang itinuturing na higit na apektado. Dahil sa kakulangan ng healthcare personnel, nahihirapan ang mga ospital na tugunan ang dagsa ng mga pasyente.

Bagama’t may mga pansamantalang first responders na kinuha upang pumalit sa mga nagpoprotesta, hindi pa rin ito sapat upang matugunan ang pangangailangan medikal ng mga pasyente.

Sa huli, binigyang-diin ni Madamba na ang bukas at tapat na dayalogo sa pagitan ng magkabilang panig ang susi upang maresolba ang sigalot at maibalik ang normal na operasyon ng mga ospital.