Libo-libong commuters ang naperwisyo sa Tokyo, Japan matapos masunog ang isang transformer sa Tamachi Station, na nagdulot ng malawakang power outage at pagkaantala ng biyahe sa Keihin-Tohoku Line ng East Japan Railway Company (JR East) nitong Biyernes, Enero 16.
Ayon sa mga ulat, naganap ang sunog sa isang transformer malapit sa istasyon, dahilan upang pansamantalang mawalan ng kuryente ang ilang bahagi ng rail system.
Dahil dito, biglaang huminto ang mga tren sa gitna ng kanilang biyahe, na ikinagulat at ikinabahala ng maraming pasahero, lalo na sa oras ng rush hour.
Napilitan ang mga sakay ng tren na bumaba at maglakad sa kahabaan ng riles sa tulong ng mga bumbero at emergency responders.
Tiniyak naman ng mga awtoridad na ligtas ang paglikas ng mga pasahero, at walang naiulat na malubhang nasaktan sa insidente.
Bilang pag-iingat, pansamantalang itinigil ng JR East ang operasyon ng Yamanote Line at Keihin-Tohoku Line—dalawa sa pinakaabalang linya ng tren hindi lamang sa Japan kundi sa buong mundo.
Ang Yamanote Line ay nagsisilbing pangunahing loop line sa Tokyo, habang ang Keihin-Tohoku Line ay mahalagang ruta para sa mga biyaheng mula hilaga hanggang timog ng metropolitan area.
Dulot ng suspensiyon ng biyahe, nagdagsaan ang mga pasahero sa mga alternatibong transportasyon tulad ng bus at taxi, habang ang iba ay napilitang maghintay ng ilang oras para sa muling pagbubukas ng mga linya.










