Dagupan City – Isinagawa ng lokal na pamahalaan ng San Carlos City ang isang motorcade bilang panimulang aktibidad sa pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month ngayong Hulyo 2025, na layuning palakasin ang kahandaan ng lungsod sa harap ng iba’t ibang uri ng sakuna.
Pinangunahan ang selebrasyon ng mga opisyal ng syudad, katuwang ang City Disaster Risk Reduction and Management Officers.
Lumahok din sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang national government agencies, mga kawani ng lokal na pamahalaan, at mga opisyal ng barangay bilang tanda ng kanilang suporta at pakikiisa sa adbokasiyang ito.
Bilang isang bansa na madalas makaranas ng malalakas na bagyo, tinatayang umaabot sa dalawampu kada tao na mahalagang paalalahanan ang bawat mamamayan sa kahalagahan ng pagiging handa.
Kaya naman ginugunita tuwing Hulyo ang National Disaster Resilience Month upang hikayatin ang publiko na maging bahagi ng mga hakbang tungo sa kaligtasan at katatagan.
Sa pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng komunidad, naniniwala ang lokal na pamahalaan na mas magiging mabilis ang pagbangon ng San Carlos City sa oras ng anumang kalamidad.