Dagupan City – Nagsagawa ng house-to-house visit ang Lokal na Pamahalaan ng Pozorrubio sa pamamagitan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (LGU-MENRO) sa mga barangay Rosario at Alipangpang.
Layunin nito na ipagpatuloy ang kampanya para sa mas malinis na bayan at maisakatuparan ang inisyatibong #zerowastepozorrubio.
Nakatutok ang pagbisita sa mga bahay na nahuling nagsusunog ng basura.
Pinaalalahanan ng LGU-MENRO ang mga residente hinggil sa mga batas na may kinalaman sa tamang paghihiwalay ng basura, tulad ng Republic Act No. 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2001) at Republic Act No. 8749 (Clean Air Act of 1999) kung saan binigyang diin rin nila na ang mga ordinansa ng lokal na pamahalaan ay mayroong kaukulang multa at parusa sa mga lalabag.
Ang kampanya ay nakatuon sa prinsipyo ng segregation-at-source dahil nais nito na Hikayatin pa lalo ang bawat tahanan, opisina, institusyon, at establisimyento na paghiwalayin ang basura sa tatlong kategorya gaya ng biodegradable, recyclable, at residuals.
Ang mga nabubulok na basura ay dapat i-compost, samantalang ang mga recyclable ay maaaring ibenta sa mga junkshop habang ang mga residuals naman ay siyang kukunin ng barangay at munisipyo sa mga itinakdang araw at lugar.
Sa kabilang banda, nakipagtulungan din ang LGU-MENRO sa Philippine National Police (PNP) Pozorrubio para sa isang youth-led clean-up sa mga pampublikong lugar.
Kasama sa nasabing aktibidad ang mga mag-aaral mula sa Rosario NHS at Benigno V. Aldana NHS. Ginagawa ang clean up drive na ito tuwing Biyernes sa iba’t ibang lugar, kasama ang mga boluntaryong kabataan alinsunod sa Volunteer Service Act of 2007 (Republic Act No. 9418), na naghihikayat sa mga mamamayan na makilahok sa mga gawaing sibiko.
Nilalayon ng gawaing ito na maituro sa mga kabataan ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan at pagsusulong ng kamalayan sa pangangalaga sa kapaligiran.
Inaasahan na ang programang ito ay mag-aambag sa mas mataas na antas ng pakikilahok sa pagpapaunlad ng komunidad at bansa.