Dagupan City – Naghahanda na ang Pamahalaang Bayan ng Lingayen para sa posibleng epekto ng El Niño, kabilang ang tagtuyot, matinding init at iba pang panganib na maaaring makaapekto sa kalusugan at kabuhayan ng mga residente.
Ayon kay Kimpee Jayson Q. Cruz, LDRRMO Officer III ng Lingayen, isinasagawa ang paghahanda sa pangunguna ni Mayor Josefina V. Castañeda kasama ang Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor J.M. Crisostomo.
Kabilang sa mga paalala sa mga residente ang pagtitipid sa tubig, paghahanda ng pagkain at go-bag, gayundin ang pagiging handa sa matinding init na maaaring magdulot ng heat stroke at iba pang problema sa kalusugan.
Pinayuhan din ang publiko na manatiling maingat sa mga stagnant water na maaaring pamugaran ng lamok na nagdadala ng dengue.
Hinimok din ang mga residente na pangalagaan ang kapaligiran, umiwas sa pagputol ng mga puno at manatiling alerto sa mga opisyal na impormasyon hinggil sa El Niño.
May nakahanda ring mga plano ang lokal na pamahalaan sakaling lumala ang tagtuyot at ideklara ang state of calamity.
Samantala, nakahanda ang Lingayen LDRRMO na tumugon sa mga pangangailangan ng mga residente sa oras ng emergency. Para sa mga concern at agarang tulong, maaaring makipag-ugnayan sa tanggapan ng LDRRMO.










