Dagupan City – Pinuri ng lokal na pamahalaan sa bayan bg Bolinao ang kooperasyon ng mga mangingisda at barangay officials matapos ang pagkakatuklas ng bilyon-bilyong halaga ng shabu sa karagatan ng western pangasinan.
Matatandaan na Sako-sakong shabu ang nakita sa mga baybayin ng western pangasinan na agad isinuko ng mga mangingisda sa mga awtoridad
Nagpahayag si Mayor Jesus “Boying” Celeste ng kanyang pagpapahalaga sa tapang at integridad ng mga mangingisda, na hindi nag-atubiling iulat ang kanilang natagpuan sa kabila ng malaking halaga nito at ng malaking sindikato na posibleng nasa likod.
Binigyan din nito ng papuri ang mga barangay officials sa kanilang aktibong pakikilahok sa pagtugon sa isyu, na nagpapakita ng kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng kanilang komunidad.
Naniniwala si Mayor Celeste na sa patuloy na pagtutulungan, masusugpo ang kalakalan ng droga.
Samantala, ibinahagi rin ni dating Mayor Alfonso Celeste ang pagtanggap nila ng Balangay Seal of Excellence award mula sa PDEA, na nagpapatunay na ang Bolinao ay “drug-cleared” na bayan.
Isa lamang ang Bolinao sa anim na bayan sa Pangasinan na nabigyan ng nasabing parangal.
Tinitiyak nila na mananatili ang kanilang tagumpay sa pakikiisa ng buong komunidad sa kanilang kampanya.
Sa kabilang banda ayon naman kay Jerald James V. Cariño ang ABC President ng Bolinao na patuloy ang kanilang pagmomonitor sa bawat barangay katuwang ang iba pang Kapitan sa pagbibigay ng impormasyon kapag mayroon muling lumitaw na mga ilegal na droga sa kanilang karagatan.
Nagpapasalamat din siya sa suporta ng PNP at PDEA sa kanilang mga pagsisikap para mas mapalakas ang laban ukol dito gayundin ang mga ibinigay na pabuya sa mga mangingisda.