BOMBO DAGUPAN – Umaasa ang mga miyembro ng LGBTQIA+ Community na maipasa na ang matagal ng nakabinbin na panukalang batas na SOGIE Bill bagama’t ilang taon na kasi ang nagdaan at hanggang ngayon ay hindi parin ito aprubado.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Anne Marie Trinidad, President, LGBTQIA+ Urdaneta City na hanggang ngayon ay limitado parin ang kanilang karapatan gayundin ang mga oportunidad para mag-explore at mag-grow bilang bahagi ng lipunan.
Aniya na nandoon parin ang pananaw na maaring sila ay tolerated pero hindi parin totally accepted sa lipunan. Dumarating parin aniya ang pagkakataon na hindi parehong trato gaya sa iba ang kanilang natatanggap.
Pagbabahagi niya ay hindi naman sila nanghihingi ng special treatment kundi pantay lamang na karapatan at proteksyon kung saan ay kapiranggot lamang aniya na atensyon ang pagpasa sana sa SOGIE Bill.
Samantala, kasalukuyan ngang ginugunita ang Pride Month ngayong buwan at marami daw aniyang nakahandang aktibidad na kanilang isasagawa gaya na lamang ng Pride march bilang bahagi ng nasabing selebrasyon.