Dagupan City – Umaasa ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE) na ma-certify bilang urgent ang panukalang Anti-Dynasty Law bago pa man sumapit ang Pasko.

Ayon kay Atty. Ona Caritos, Executive Director ng LENTE, napapanahon na ang pagpasa ng batas dahil isa sa pinakamalaking problema sa halalan ang kawalan ng competitiveness o patas na laban sa pagitan ng mga kandidato.

Giit ni Caritos, kung maipapatupad ang Anti-Dynasty Law, malaking tulong ito upang mabawasan ang politikal na monopolya at magkaroon ng mas malawak na oportunidad ang iba pang nais maglingkod.

--Ads--

Gayunman, paalala niya na dapat maging mas mapanuri ang publiko at tiyaking ang batas ay ma-certify as urgent upang mapabilis ang pag-usad nito sa Kongreso.

Ipinaliwanag din niya na ang esensya ng panukala ay ang pag-iwas na sabay-sabay na maupo sa puwesto ang mga magkakamag-anak, na nagiging ugat ng maraming isyu sa pamamahala at pang-aabuso sa kapangyarihan.

Dagdag pa ni Caritos, nasa isang “extraordinary period” ang Pilipinas kumpara sa ibang bansa dahil sa kabi-kabilang kaganapan at mga kontrobersyang bumabalot sa pamahalaan, kabilang na ang mga alegasyon ng katiwalian sa ilang proyekto tulad ng flood control initiatives.

Sa harap nito, naniniwala siyang panahon na upang harapin ang ugat ng problema—ang lubos na konsentrasyon ng kapangyarihan sa iilang pamilya sa pulitika.