Aligned ang posisyon ng LENTE sa Senate version ng panukalang Anti-Political Dynasty Bill.
Ayon kay Alexa Yadao, Senior Program Officer ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE), kamakailan lamang inaprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang Consolidated Anti-Political Dynasty Bill, na nagtatakda ng pagbabawal sa pagtakbo ng mga kamag-anak hanggang sa second degree of consanguinity or affinity.
Ipinaliwanag niya na ang consanguinity ay tumutukoy sa mga kadugo (halimbawa: magulang, anak, kapatid, lolo/lola), samantalang ang affinity naman ay koneksyon sa pamamagitan ng kasal (halimbawa: asawa, manugang, magulang-in-law).
Binigyang-diin niya na layunin ng batas na mabigyan ng mas patas na oportunidad ang mga bagong kandidato at maiwasan ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa iisang pamilya, na isa sa mga ugat ng korupsyon sa bansa.
“Kapag mas maraming pangalan ang pumasok sa politika, mas may chance na magkaroon ng tunay na checks and balances,” dagdag niya.
Sa usapin ng public consultation, natuwa si Yadao sa aktibong partisipasyon ng kabataan.
Ayon sa kanya, mahalaga ang pagbibigay ng boses ng kabataan sa mga ganitong usapin, dahil sila rin ang direktang naaapektuhan ng mga desisyon sa politika at pamahalaan.
“Kasama sa advocacy ng LENTE ang pagtuturo at pagpapalakas ng kakayahan ng kabataan para maging responsable at informed na mamamayan,” paliwanag niya.
Inihayag din ni Yadao ang patuloy na preparasyon ng LENTE para sa nalalapit na halalan sa Nobyembre 2, 2026, kabilang ang monitoring sa pre-election at campaign period, gamit ang targeted monitoring sa abuse of state resources, vote buying and selling, at compliance ng mga kandidato sa COMELEC rules and regulations.
Binanggit niya ang aktibong chapters ng LENTE sa Pangasinan, tulad ng sa Lyceum at UPang, at nag-anyaya sa publiko, lalo na sa kabataan, na maging volunteer sa election monitoring.










