Iginiit ni Senator Loren Legarda na dapat ituring na panghabambuhay na misyon ang peacebuilding, kasabay ng pagbibigay-diin na hindi sapat ang tigil-putukan kung walang kasunod na kaunlaran sa mga komunidad na matagal nang apektado ng kaguluhan.

Inihayag ito ni Legarda bilang Guest of Honor at Speaker sa paglagda ng Memorandum of Agreement para sa PAyapa at MAsaganang PamayaNAn (PAMANA) Program sa Foro de Intramuros noong Marso 26, kasama ang Office of the Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) at mga lokal na pamahalaan.

“Maaring mapatigil pansamantala ng negosasyon ang putukan, ngunit tanging ang pag-unlad lamang ang sulosyon para hindi na ito maulit muli” ani Legarda. 

--Ads--

Ayon kay Legarda, hindi magiging matibay ang kapayapaan kung hindi matutugunan ang ugat ng sigalot tulad ng kahirapan, kawalan ng oportunidad, at kawalang-katarungan.

Ang PAMANA ang flagship peace and development program ng gobyerno para sa mga conflict-affected at geographically isolated areas kung saan mula 2011, umabot na sa mahigit ₱75.8 bilyon ang nailaan para sa mga proyektong imprastraktura, pabahay, kalusugan, at kabuhayan.

Sa ilalim ng kasunduan, itinatakda ang mas malinaw na koordinasyon, reporting, at accountability sa implementasyon ng mga proyekto.

Samantala, bilang chair naman ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification, and Reconciliation, isinusulong din ni Legarda ang Senate Bill No. 532 para sa Transitional Justice and Reconciliation Program sa Bangsamoro.

Dagdag pa rito, may inilaan na karagdagang ₱850 milyon sa 2026 budget upang palawakin ang educational assistance program ng OPAPRU.

Binigyang-diin ni Legard na edukasyon ang susi para mabawasan ang karahasan at magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga susunod na henerasyon.

Sa pagtatapos, hinikayat ng senador ang mga lokal na pamahalaan na tiyakin ang transparency at inclusivity sa pagpapatupad ng mga proyekto sa ilalim ng PAMANA.