DAGUPAN CITY- Nararanasan sa ngayon ng ilang mga residente ng Brgy. Sonquil, Sta. Barbara, Pangasinan, ang lampas taong baha dahil sa walang tigil na pag-ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eddie Cariazo, isang residente, lumubog na sa baha ang kanilang lugar kung saan ang ilang bahay ay lampas-tao na ang lalim ng tubig.

Aniya, nagsimula pa lamang noong Sabado ang pagtaas ng tubig dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

--Ads--

Bagama’t may mga bahay na hindi apektado dahil sa mataas na lokasyon ng mga ito, marami pa rin ang nananatiling nasa mabababang lugar at lubos na naapektuhan ng pagbaha.

Sa kabila ng banta ng baha, wala pa ring lumikas sa kanilang komunidad.

Marami sa mga residente ang umaasa sa pagdating ng mga rescuers o ng mga mag-aalok ng tulong upang mailikas sila sa mas ligtas na lugar.

Isa rin sa mga pangunahing suliranin ng mga residente ay ang kawalan ng malinis na tubig, na taun-taon na umano nilang kinakaharap tuwing panahon ng malalakas na pag-ulan.

Patuloy ang panawagan ng mga residente para sa agarang aksyon mula sa mga kinauukulan upang masiguro ang kanilang kaligtasan at pangunahing pangangailangan.