Isinailalim ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office and RED ALERT sa buong lalawigan mula sa Blue Alert Status nito kahapon kasabay ng pagtataas ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa lalawigan.


Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Patrick Aquino – Operations Supervisor, Pangasinan PDRRMO – binigyang-diin nito na nakahanda na ang lahat ng concerned agencies kaugnay ng pagresponde sa mga pinsala o sakunang maaaring idulot ng Bagyong ‘Karding’ sa lalawigan at gayon na rin ang deployment ng kanilang mga rescue assets at iba pang mga tauhan sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.


Dagdag pa niya na makakasama naman ng kanilang ahensya ang PNP members at iba pang mga opisina na mangunguna sa pagsiguro ng kahandaan ng lalawigan ng Pangasinan sa magiging epekto ng papalapit na bagyo.

--Ads--


Binigyang-diin pa ni Aquino na sinunod na rin nila ang utos ni Pangasinan Governor Ramon ‘Monmon’ Guico, III na dapat ay full force na ang kanilang mga tauhan sa paghahanda sa nasabing bagyo, lalo na’t mabilis at malakas ang pagkilos nito.


Saad pa niya na tumitindi na rin ang paghahanda ng iba’t ibang council members gaya ng Provincial Social Welfare and Development Office na ino-obserbahan kung ilang family packs ang iappamahagi at kakailanganin bilang parte sa paghahanda kay Bagyong ‘Karding’.


Dagdag pa nito ay magkakaroon pa sila ng mga pagpupulong kaugnay pa rin sa sama ng panahon, partikular na kung mayroon pa silang kakulangan sa kanilang mga inihahandang mga kagamitan o mga supply.