Inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki matapos umano itong manghingi ng pera kapalit ng pagpasok sa Philippine National Police (PNP) recruitment sa isinagawang entrapment operation sa bayan ng Binmaley, Pangasinan.

Ayon kay PLtCol Lister A. Saygo, Officer-in-Charge ng PNP Binmaley, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng ulat mula sa dalawang indibidwal na nagsabing hiningan sila ng pera ng suspek kapalit ng umano’y tulong sa kanilang aplikasyon sa PNP.

Matapos beripikahin ng pulisya ang impormasyon at mapatunayan na walang kaugnayan ang naturang indibidwal sa opisyal na recruitment process ng PNP, agad na nagplano ng intelligence-driven entrapment operation ang Binmaley Police Station sa pakikipagtulungan sa Intelligence Division ng kanilang regional office.

--Ads--

Naging matagumpay ang isinagawang operasyon kung saan nahuli ang suspek at nakumpiska mula sa kanya ang isang tunay na ₱1,000 bill na ginamit bilang marked money at karagdagang halagang ₱39,000 na pawang tig-₱1,000 na pera.

Narekober din mula sa suspek ang isang itim na cap, isang Samsung cellular phone, isang pellet gun, at isang belt bag na naglalaman ng iba pang personal na gamit.

Kasalukuyang sumasailalim sa inquest proceedings ang suspek at posibleng maharap sa kasong may kaugnayan sa extortion o pangingikil matapos umanong manakot na hindi makakapag-apply ang mga nais pumasok sa serbisyo ng PNP kung hindi sila magbibigay ng pera.

Sinabi rin ng pulisya na mula nang matanggap ang ulat ay agad silang kumilos upang hindi na lumala ang ganitong uri ng panlilinlang laban sa mga aplikante ng PNP.

Sa ngayon, dalawa pa lamang ang kumpirmadong biktima ng suspek, ngunit pinaghihinalaang may iba pang posibleng nabiktima nito.

Dahil dito, hinihikayat ng PNP Binmaley ang iba pang maaaring naloko ng suspek na lumapit sa kanilang himpilan upang makapagsampa ng kaukulang reklamo at makatulong sa pagpapatibay ng kaso laban sa naarestong indibidwal.

Nagpaalala rin ang kapulisan sa publiko, lalo na sa mga nais mag-apply sa PNP, na dumaan lamang sa opisyal na proseso ng aplikasyon na makikita sa opisyal na website ng PNP at mga kinauukulang ahensya. Binigyang-diin ng pulisya na ang recruitment sa PNP ay organisado at sistematiko at walang sinumang dapat maningil ng pera kapalit ng pagpasok sa serbisyo.

Patuloy namang hinihikayat ng PNP ang publiko na agad ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang gawain upang mapigilan ang pananamantala laban sa mga aplikante at mapanatili ang integridad ng recruitment process ng kapulisan.