DAGUPAN CITY – Arestado ang 36-anyos na lalaki sa syudad ng San Carlos sa bisa ng warrant of arrest hinggil sa kasong statutory rape.

Ayon kay PLT. MC Kinley Mendoza PIO, San Carlos City PNP na naging matagumpay ang kanilang isinagawang operasyon kung saan kinilala ang suspek na si Joseph Palaganas Añasco Jr., 36 anyos, binata at residente sa bayan ng Bayambang.

Naireport ang insidente matapos ipagbigay alam ng ina ng biktima ang karumal dumal na karanasan ng kaniyang anak kung saan napag-alaman na matagal na palang minamanmanan ng suspek ang biktima hanggang sa nagkaroon ito ng pagkakataon na halayin ito sa isang bukirin sa likod ng mga kabahayan.

--Ads--

Naobserbahan naman ng kaniyang ina na ang bata ay hindi na makausap ng maayos at bigla bigla na lamang umiiyak hanggang sa napilitan itong ilabas ang sama ng loob sa kaniyang ina.

Dito na inireklamo ng ina ng biktima ang suspek kung saan lumalabas din na itinatakas ito ng kaniyang kaibigan kaya hindi nahuhuli kaagad.

Matapos naman ang isinagawang operasyon ay matagumpay din itong nahuli.

Mahaharap naman ito sa kasong statutory rape at ito ay non-bailable, sasampahan din ng kaso ang kaibigan nito.

Samantala, pagbabahagi ni Mendoza kaugnay sa kalagayan ng mga kasong ganito sa kanilang syudad aniya na masakit sa kalooban na habang tumatagal ay mas dumarami ang bilang ng mga nabibiktima kaya’t paalala nito na kung may napapansin na sumusunod at nagmamanman sayo ay ipagbigay agad sa kapulisan upang maiwasan ang ganitong uri ng krimen.