DAGUPAN CITY- Nauwi sa saksakan ang simpleng pag-uusap ng dalawang magbayaw sa Barangay Navaluan, Mangaldan, dahil sa isang talakayan.

‎Ayon kay Pltcol Perlito Tuayon, COP ng Mangaldan Police Station, galing pa ng Parañaque ang biktima upang bumisita sa pamilya ng kanyang kapatid sa nasabing bayan.

Nabatid na nagkaroon pa ng konting kasiyahan sa lugar bago naganap ang insidente.

--Ads--

Habang nagkakaroon ng talakayan ukol sa presyo ng kanilang mga ari-arian, gaya ng mga alagang baka, ay umiinit ang diskusyon ng dalawa hanggang sa humantong ito sa marahas na komprontasyon.

Sa salaysay ng suspek, depensa lamang umano ang kanyang ginawa matapos siyang hampasin sa ulo gamit ang bangko ng kanyang bayaw.

Isang saksak ang tinamo ng biktima at kasalukuyang nasa pagamutan at nagpapagaling, habang nagtamo rin ng mild head injury ang suspek dahil sa pagkakahampas sa kanya.

Hawak na ngayon ng pulisya ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong Frustrated Homicide.