DAGUPAN CITY- Mga Kabombo! Isa ka ba sa mga tinatawag nilang sporty?
Hanggang saan ang kayo mong gawin para sa isang laro?
Isang lalaki kasi mula sa Long Island, New York ang posibleng makapagtala ng bagong Guinness World Record matapos maglaro ng golf sa loob ng 36 na magkakasunod na oras.
Si Kelechi Ezihie, na tubong Nigeria, ay nagsimulang maglaro sa Huntington Crescent Club bandang alas-6 ng gabi noong Linggo.
Ang kanyang orihinal na layunin ay maabot ang 24 na oras na itinakdang minimum ng Guinness World Records upang maging kauna-unahang may hawak ng titulong “Longest Marathon Playing Golf.”
Ngunit biglang nagbago ang kanyang plano nang malamang may isang Norwegian na sumubok at nakapagtala ng 32 oras ng tuluy-tuloy na paglalaro.
Sa kagustuhang malampasan ito, pinalawig ni Ezihie ang kanyang pagsubok at nagtapos ito makalipas ang 36 na oras ng walang humpay na golf nitong Martes.
Ang kanyang mga ebidensiya sa pagsubok ay isusumite pa sa Guinness World Records para sa beripikasyon.
Ayon kay Ezihie, layunin niyang palawakin ang abot ng golf, lalo na sa mga kabataan sa Nigeria.
Bumili na siya ng lupa sa kanilang bansa kung saan balak niyang magpatayo ng sariling golf course.