Mga kabombo! A mom’s love is more than words ika nga nila pero, ano din ba kaya ang kayang gawin ng isang anak para sa kanyang ina?

Sapagkat ibahin mo ang isang lalaki sa China na si Xiao Ma kung saan eight years old pa lang siya nang masangkot sa isang kalunus-lunos na car accident ang kanyang mga magulang.

Dahil dito ay namatay ang kanyang ama, habang naging paralisado naman ang kanyang ina.

--Ads--

Habang lumalaki, naging katuwang niya ang nakatatandang kapatid na babae sa pag-aalaga sa paralisado nilang ina, na kalaunan ay na-diagnose na may cerebral atrophy.

Noong teenager na si Xiao ay nagtrabaho siya sa taniman ng bulak para masuportahan ang paralisadong ina.

Pumasok din ito sa kung anu-anong odd jobs.

Nang makaipon, nagtayo siya ng restaurant. Ang perang kinikita niya ay napupunta halos lahat sa pagpapagamot ng kanyang ina.

Subalit nagbunga naman ang kanyang hirap.

Unti-unti, bumuti ang lagay ng kanyang ina, na ngayon ay nakakabangon na sa higaan nang inaalalayan.

Nagagawa na rin nitong makaupo sa wheelchair. Higit sa lahat, unti-unti na siyang nakakahakbang.

Sa ngayon ay thirty-one years old na si Xiao.

Ngunit ang sad news ilang taon ang nakalilipas ay sinabi sa kanya ng doktor na hindi na magagamot ang cerebral atrophy ng kanyang ina.

Ang mas masakit para kay Xiao, sinabi rin ng doktor na palala nang palala ang kondisyon nito.

Doon na siya nagdesisyon na mas pasayahin ang ina sa mga nalalabing araw nito sa mundo.

Kahit maganda ang takbo ng kanyang restaurant business, ibinenta na iyon ni Xiao pati na rin ang kanyang bahay at kotse.

Sa ngayon, kasama niya ang ina sa pagta-travel sa iba’t ibang bahagi ng China.

Hindi gamit ang wheelchair kundi karga-karga niya ito sa kanyang likod.

Bagamat hindi naman alintana ang bigat na kanyang dinadala dahil masaya siya dahil ramdam niyang masaya ang kanyang ina sa ginagawa nilang pamamasyal.