DAGUPAN CITY- Mahigpit na tinututukan ng Public Order and Safety Office (POSO) ng Dagupan City ang pagdagsa ng libo-libong indibidwal para sa rally ng “Alyansa sa Bagong Pilipinas” ngayong araw.

Nagsisidatingan na ang mga supporters mula sa Dagupan at iba pang bahagi ng Pangasinan.

Inaasahang lalampas sa 7,000 ang dadalo sa rally na gaganapin sa isang stadyum na may kapasidad na 7,000.

--Ads--

Dahil dito, inaasahan din ang matinding pagsisikip ng trapiko.

Ayon kay Rexon De Vera, Deputy ng POSO, nagdagdag na sila ng mga traffic enforcers upang maayos ang daloy ng trapiko at nakikipagtulungan na rin sila sa kapulisan para matiyak ang kapayapaan at kaayusan ng rally.

Sa kabilang banda, magsasagawa ng rerouting at pansamantalang pagsasara ng ilang mga kalsada ang lokal na pamahalaan ng Dagupan City bukas, Abril 26, 2025, dahil sa gaganaping “Gilon Gilon ed Baley” street dancing competition bilang bahagi ng Bangus Festival 2025.

Ang kompetisyon ay magsisimula ng alas-tres ng hapon na dadaluhan ng libo-libong bisita mula sa iba’t ibang panig ng bansa.