Dagupan City – Malaking pagbaba sa bilang ng krimen ang naitala sa bayan ng Binmaley noong 2025, batay sa datos na ibinahagi ni PLtCol. Lister Saygo, Officer-in-charge ng PNP Binmaley, kasunod ng mas pinaigting na programa at operasyon ng kapulisan katuwang ang mga barangay at iba pang sektor ng komunidad.
Ayon sa ulat, walang naitalang kaso ng murder sa bayan, habang sa usapin ng rape ay nakapagtala rin ng positibong rekord matapos walang maireport na insidente sa buong taon ng 2025.
Sa kaso naman ng robbery, nakapagtala ang Binmaley ng malaking pagbaba kung saan mula sa limang kaso noong 2024 ay naging dalawa na lamang noong 2025, katumbas ng 60 porsiyentong pagbaba, at ang mga kasong ito ay nalinaw na ng pulisya.
Wala rin umanong naitalang kaso ng carnapping ng motorsiklo sa Binmaley noong 2025, na nagresulta sa 100 porsiyentong pagbaba sa naturang uri ng krimen.
Sa kabuuan, umabot sa 47.52 porsiyento ang ibinaba ng walong pangunahing krimen na tinututukan ng pulisya sa bayan.
Iniuugnay ang positibong resulta sa patuloy na pagpapatupad ng mga programa ng PNP, kabilang ang mas pinaigting na police visibility sa mga lansangan at pampublikong lugar, regular na checkpoints, at pagpapatupad ng Oplan Sita na nagsisilbing panangga laban sa pagpasok ng mga kriminal sa bayan.










