May mga daga pa sa inyong bahay o lugar?

Ang tanong hindi ba nakakaperwisyo ang mga ito?

Paano ba naman kasi, nasira ang isang sasakyan sa China matapos umanong gawing imbakan ng pagkain ng mga daga!

--Ads--

Kinilala ang lalaki na si Mr. Wang na mula sa Heilongjiang Province kung saan ay nakarinig umano siya ng kakaibang tunog at sira sa kanyang sasak­yan.

Aniya, matagal na siyang nakakarinig ng kalampag mula sa ilalim ng hood ng kanyang kotse pero hindi niya ito pinapansin.

Hanggang sa nito lamang nakaraang buwan (nobyembre) ay nagdesisyon na itong patingnan sa talyer nang tuluyan nang masira ang heating system ng sasakyan.

Nagulat ang mekaniko nang makita ang sandamakmak na hazelnuts na nasa makina ng sasakyan.

Mayroon din sa ilalim ng windshield, hood, air vents, at maging sa cabin filter.

Inabot ng mahigit dalawang oras bago natanggal ang lahat ng hazelnuts. Umabot sa 18 kilong hazelnuts ang nakuha sa sasakyan.

Hinala ni Wang, mga daga ang may kagagawan nito dahil naka­parada ang kanyang sasakyan sa garahe kung saan may nakatagong sako ng hazelnuts.

Natuklasan niyang kalahati na ng sako ang naitago ng mga daga sa loob ng kanyang SUV.